Sumakay ako ng jeep kahapon ng umaga (syempre, pwede ba namang kumain ako ng jeep kahapon ng umaga?)
May nakipagtulakan sa akin na babae - nagmamadali, akala mo ba may pa-bingo dun sa kanto at nanalo sya. Pinabayaan ko na lang kse kawawa naman, baka maiwan ng jeep at magpakamatay.
So ayun, nakaupo na sya - sa tapat ko.
May dala syang itim na shoulder bag, na naguumapaw sa pagkapuno, halos mawarak na yung mga tahi sa gilid. Naka-blue sya na blouse at dark blue na skirt. Alam nyo yun - yung generic uniform na nabibili sa 168.. ahhh basta!
Tapos yung mahaba nyang buhok, medyo basa basa pa, may mga patak patak nga ng tubig sa braso nya nung dumukot sya ng pamasahe dun sa bulsa sa blusa nya.
Pagkatapos magbayad, hala, binuksan ang ga-maletang bag, kumuha ng suklay at galit na galit na sinuklay ang buhok.
Syempre, dahil basa yung buhok, eh di ang daming buhol buhol sa dulo. Kasehodang may katabi sya, hinawakan nya yung isang bungos ng buhok nya at "binulldozer" ng suklay. Ramdam na ramdam mo yung protesta ng bawat isang hibla ng buhok nya habang nagsisiputol sila sa tindi na pagsuklay sa kanila.
Syempre pa, hindi mawawala yung nagliparang tubig habang walang awa nyang pinaparusahan yung walang malay nyang dead cells.
Nung nakamtan na nya ang tugatog ng kasiyahan sa buhok nya, hinarap naman nya yung mukha nya.
Dumukot muli sa magic maleta, naglabas ng ga-platitong cover stick at tinuldok-tukdukan nya yung buong mukha nya.
Sa pagkakataong ito, nakatingin na yung iba pang pasahero sa kanya. Eh sino ba naman ang hindi mapapatingin kung yung katabi mo eh may puti-puting polka dots sa mukha?
Wala pa rin syang pakialam. Hala, sige pa rin sa pag "polka dot" nya. Pagkatapos sabay punas ng mukha para pumantay siguro ang pagkaputi (mukha na syang kabuki by this time).
Syempre, hindi naman ata bagay kung maputi mukha mo tapos maputla ang labi mo di ba?
So labas naman ng lipstick. Pulang pula. Grabe. Lalong tumibay ang paniniwala ko na kabuki performer sya in her previous life.. either yun or sya yung flower girl dun sa Sukob.
Ok na sana, mapagtyatyagaan na sana yung mga pinag-gagagawa nya kaso di pa pala tapos..kailangan pang magpabango.
Aysus!! Feeling ko lahat ng lamok, langaw at pati alikabok namatay nung sumambulat sa kanila yung amoy ng pabango nya. Iniisip ko nga kung dapat pabango pa ba ang tawag sa amoy na ganun kasakit sa ilong? Hindi ba dapat Pasakit na ang tawag dun?
Sa wakas, natapos na rin sya. Ready to go. Pwede na...pwede ng patayin!!!
Ang tanong ko lang naman, tama ba naman na sa jeep ka mag make up?
No comments:
Post a Comment