Thursday, September 14, 2006

LAGIM SA DILIM

Chi-rho, 2004

Dagling nilisan ng araw ang kanina'y maaliwalas na paligid habang kapalit nito ang malungkot na kadilimang bumalot sa buong sangkatauhan.

Sa labas ng aking tahanan, maririnig ang dahan-dahang pagindak ng mga puno sa mabagal na tugtugin ng hangin at sa aking pagmamasid mula sa bintana ay nakita ko siya... mataas, may kapayatan ngunit makisig kung tumayo at may makinis na kutis.

Siya ang nagpapainit sa aking katawan... siya ang karugtong at nagbibigay kahulugan sa aking buhay...siya ay ang aking kamatayan.

Lumabas ako mula sa aking munting palasyo upang siya'y salubungin, ngunit sa aking paghangos, ako'y natapilok at nagasgas ang aking mapupulang labi. Di ko ito pinansin sapagkat ang aking buong katawan ay kasalukuyang umaalab sa init. Sa sandaling kami'y nagkalapit, naramdaman kong ito'y sinasadya ng tadhana... siya'y matigas, ako'y mainit.

Walang panahon kaming inaksaya sa aming pagiging isa. Hinaplos ng aking labi ang kanyang nakatayong usbong na napapalamutian ng itim na balahibo at ang aking intit ay kanyang naging init.

Sa aking mga labi, siya'y sumabog at di nagtagal, dahan dahang tumulo ang katas ng kanyang init sa kanyang mala-porselanang balat samantalang ako ay animo walang buhay na nakahilig sa kanyang tabi.

Ang aming apoy ay nagbabaga pa rin, ngunit ang aking init ay tuluyan nang naglaho. Ang mga bakas ng lumipas na pagaalab ay naging bahagi na ng kanyang katawan, at ang kanyang katigasan ay unti-unti nang lumalambot.

Nang karakarakay's biglang lumabas ang araw at isang malakas na hangin ang kumain sa kanyang apoy habang nangingibabaw naman ang munting tinig ng isang bata... "Yehey! May ilaw na!!!"

Siya ang kandila. Ako ang posporo.

No comments: